Makalipas ang tatlong araw, sakay ng jeep ni Kabesa si Gudo mula sa paglabas niya sa ospital sa umagang iyon. Si Kabesa na ang sumundo sa kanya sa ospital.
"Salamat po pala sa lahat ng tulong niyo sa akin sa ospital."ani Gudo habang bumibiyahe sila ni Kabesa pauwi sa kanilang lugar.
"Wag mong isipin 'yun, Gudo. Bilang kabesa at lolo ng bumaril sa'yo, obligasyon ko 'yun. Ako ang dapat magpasalamat dahil hindi ka na nagsampa ng kaso sa apo ko."
Hindi kumibo si Gudo. Ang mga mata nito ay nakatingin sa labas ng jeep. Sa sandaling iyon, ang isip niya ay na kay Beth. Iniisip niya kung ano na ang lagay nito.
"Siyanga pala, Gudo."ani Kabesa, "Malapit na ring lumabas ang apo ko sa ospital. Nagpapalakas na lamang siya. Oras na makalabas siya ay ididiretso na agad namin siya sa Maynila. Nakahanda na rin siyang lumipad papuntang Amerika sa makalawang buwan para manirahan doon kapiling ng kaniyang mga magulang."
Tumango naman si Gudo sa sinabi ng matanda.
"Tsaka may pinasasabi sa'yo ang apo ko, Gudo. Gusto niyang humingi nang tawad sa mga nagawa niya. Alam mo na raw kung ano ang mga iyon. Batid niyang maaring hindi mo raw siya mapatawad. Gayunman, nais pa rin niyang humingi nang tawad sa iyo."
Muling tumango si Gudo.
"Humingi rin daw siya nang tawad sa mga taong ginulo niya. Habang ilang araw daw siyang malay sa loob ng ICU ay nanaginip siya. Ipinakita raw sa kanya ng isang panaginip ang mga naging kasalanan niya. Nakita raw niya ang isang nakakasilaw na liwanag sa dakong itaas at sa dakong ibaba naman niyon ay ang nag-aapoy na dagat. Naghihirap sa apoy na dagat ang mga taong kagaya niya. Parang totoo raw ang lahat nang nasasaksihan niya. Kaya natakot siya nang maisip niya ang mga nagawa niya."
Naisip ni Gudo ang bagay na iyon.
"Naniniwala ka ba sa mga bagay na ganyan, Gudo? Yung may langit at impiyerno?"
"Ang pinaniniwalaan ko po ay mayroon tayong Diyos. Isang mapagpatawad na Diyos. Na binibigyan niya nang pagkakataon ang mga tao para magbago. Para ituwid niya ang mga kamaliang nagawa niya."
Ngumiti si Kabesa sa narinig niya kay Gudo. Sa sandaling iyon ay humanga siya rito.
"Kabesa, pakisabi po kay Paulo na pinapatawad ko na siya. Humihingi rin ako nang tawad sa kanya sa mga nagawa ko."
"Napakabuti mo, Gudo."
Makalipas ang ilang oras, tirik na ang mainit na sikat ng araw nang marating nila ang kanilang lugar. Pababa na ng sasakyan si Gudo nang may sabihin si Kabesa.
"Kung may kailangan ka, bukas ang aking tahanan, Gudo."
"Salamat po, Kabesa."ngiti ni Gudo.
Dumaan ang isang lalake nilang kapitbahay sa harap ng sasakyan. Galing ito sa pagpapastol nito sa bukid na hila-hila ang mga alaga nitong kambing. Dahil matalas ang memorya ni Gudo, nakilala niya ang mga kambing na iyon.
"Kabesa, hindi po ba kambing ni Beth ang mga iyon?"nagtatakang wika ni Gudo.
"Ibinenta ni Beth ang mga iyon nang umalis sila sa lugar natin dalawang araw na ang nakakaraan."
Nabigla si Gudo sa sinabi ni Kabesa.
"Bakit po? Ano pong nangyari?"
"Ang paalam sa akin ni Beth ay luluwas daw siya ng kanyang mister sa Maynila. Doon na raw sila maninirahan."
Biglang natahimik si Gudo. Bigla siyang nalungkot sa balitang iyon.
"Tsaka may napuna ako rito kay Beth. Atin-atin na lamang sana itong sasabihin ko."
"Makakaasa po kayo, Kabesa."
"Kasi nung paalis na si Beth, nagpunta siya sa bahay para magpaalam sa amin. Habang kausap ko siya ay napansin ko na tila may problema siya. Anak na ang turing ko sa kanya, Gudo. Kinausap ko siya nang masinsinan. Tinapat ko siya kung ano ba talaga ang tunay na sitwasyon. Umiyak lamang siya sa akin. Umiyak siya nang umiyak nang hindi sinasabi ang tunay na dahilan."
Hindi kumibo si Gudo. Sa sandaling iyon ay nag-aalala siya nang husto para kay Beth sa kung ano ang nangyari rito habang nasa ospital siya.
"Tinanong ko siya kung may problema ba sila ng kanyang mister subalit patuloy lamang sa pag-iyak si Beth. Ramdam ko ang bigat nang kinikimkim niya. Hindi niya sinagot ang tanong ko at sa halip ay sinabi niya sa akin na magsisimula siyang muli sa Maynila. Pilit kong inaabot kay Beth ang tulong ko para sa pagsisimula niyang muli. Hindi man kalakihan ang halaga niyon ay malaki rin ang maitutulong niyon sa kanya. Hindi niya iyon tinanggap. Labis na raw ang mga naitulong namin sa kanila ni Rogelio. Mabigat sa loob ko ang kanyang pagpunta sa Maynila. Hindi madali ang buhay doon gaya rito sa ating. Dito sa atin magsipag ka lang at may kakainin ka sa maghapon. Sa Maynila, hindi lang sipag kundi diskarte ang kailangan para mabuhay. Hindi ko kinayang tingnan ang kanyang pag-alis."
Napabuntung-hininga si Gudo sa narinig. Nangako si Gudo na walang makakaalam nang sinabing iyon ng matanda. Nagpaalam na siya kay Kabesa at bumaba ng sasakyan. Agad siyang nagtungo sa bahay ni Beth. Nakakandado na ang mga pinto nito. Hindi maiwasang sumagi sa isip ni Gudo ang naging sandali nila ni Beth sa bahay na iyon.
Malungkot na naglakad si Gudo at tinungo niya ang kanyang bahay. Pagkapasok niya sa loob ay muli namang nanariwa sa isip ni Gudo ang mga naging sandali nila ni Beth sa bahay niya. Dumako ang tingin niya sa kawayang papag kung saan nila pinagsaluhan ni Beth ang masasarap nilang sandali.
Biglang naalala ni Gudo ang bilin niya kay Beth. Nagtungo siya sa papag at dinukot mula sa pinakasulok sa ilalim nito ang isang kahon. Umaasa siyang sinunod ni Beth ang bilin niya. Nang buksan ni Gudo ang kahon ay nakita niyang naroon pa rin ang lahat ng kanyang pera. Ni hindi man lang nagalaw ang mga pera mula sa pagkakaayos nito. Magkahalong lungkot at pag-aalala ang nararamdaman ni Gudo para kay Beth. Sa maghapong iyon ay nagtanong-tanong si Gudo sa mga kapitbahay ukol kay Beth. Umaasa siyang may napagsabihan si Beth kung saan sa Maynila ito pupunta. Subalit siya ay bigo.
Sa gabing iyon ay humiga na si Gudo sa papag. Maayos niyang inihiga ang kanyang balikat kung saan naroon ang pahilom niyang sugat na nababalutan ng benda. Tulalang nakatingin si Gudo sa kisame kung saan iniisip niya kung saan sa Maynila posibleng nagpunta si Beth.
Makalipas ang isang linggo, nabigla si Kabesa sa biglaang pagpapaalam ni Gudo. Sinabi nito sa matanda na susubukan nitong hanapin ang kapalaran sa Maynila. Nalungkot si Kabesa at sinabi nitong bakit maging siya ay lilisanin ang kanilang lugar. Marami namang pwedeng pagkakitaan sa kanilang bayan. Kung kailangan ni Gudo ng puhunan ay handa niya itong tulungan. Subalit buo na ang pasya ni Gudo. Naging masaya na lang si Kabesa para kay Gudo. Ibinigay ni Kabesa ang isang tarheta. Nagsabi ang matanda na tumawag lang si Gudo sa kanya oras na mangailangan ito ng tulong sa Maynila. Dahil na rin sa pakiusap ni Kabesa, hindi na nakatanggi si Gudo na tanggapin ang isang medyo makapal na sobre na naglalaman ng tulong ng matanda. Nagkamay silang dalawa nang tuluyang magpaalam si Gudo sa matanda.
"Kung papalarin kang magtagpo ang inyong landas ni Beth sa Maynila. Pakisabi na kinakamusta ko siya."
"Opo, Kabesa,"
"Alam mo, Gudo. Mapapanatag ang loob ko dahil alam kong magiging masaya si Beth sa taong kagaya mo."
Makahulugang tiningnan ni Gudo ang matanda.
"Para na rin kitang anak, Gudo. Alam kong may nararamdaman ka para sa kaniya."
Hindi nakakibo si Gudo. Tama si Kabesa sa sinabi niyang iyon.
"At gusto kong malaman mo na wala akong anumang tutol sa inyong dalawa."
Tila nagliwanag sa saya ang mukha ni Gudo sa sinabi ni Kabesa.
"S-Salamat po, Kabesa."
"Sana, bago man lang ako mamatay ay makita ko kayong dalawa ni Beth. Sana maalala niyo pa ako kapag nasa Maynila pa kayo."
"Hindi po namin kayo makakalimutan."ani Gudo sa pinakamabuting tao na nakilala niya.
Muling kinamayan ni Gudo si Kabesa bilang pamamaalam. Matapos iyon ay umalis na siya sa kanilang lugar dala ang pag-asang makikita niyang muli si Beth sa Maynila.
* * *
Makalipas ang tatlong taon.
"Sir Gudo. Tara gimmick naman tayo. Kahit one-time lang sumama ka naman sa'min."wika ng isang lalakeng halos kalahati lang ng edad ni Gudo. Hinubad nito ang kulang dilaw na hard hat na suot nito. Nasa loob sila ng isang kwarto na nagsisilbing locker room nila sa loob ng isang ginagawang mataas na gusali. Kakatapos lang nang maghapon nilang shift at naghahanda na sila sa kani-kanilang pag-uwi.
"Naku, pass na ako sa ganyan. Kung nung araw pwede pa akong makipagsabayan sa inyo. Kaya lang ngayon na medyo nagkakaedad na, tinigilan ko na ang pag-inom."ani Gudo sa kapwa niya quality inspector habang nagpapalit sila ng damit. Nang maghubad ng pang-itaas si Gudo ay lumitaw ang peklat sa kanyang balikat.
"Alam mo, Sir, matagal ko nang napupuna 'yang peklat niyo dyan. Tama ng baril 'yan 'di ba?"
"Oo. Tsaka matagal na 'to nung nasa probinsya pa ako."
"Paano niyo nakuha 'yan?"
"Mahabang kuwento. Baka maiyak ka pa kapag kinwento ko sa'yo."biro ni Gudo.
Natawa silang pareho. Matapos makapag-ayos ng sarili si Gudo ay nauna na siyang umalis sa mga kasama niyang gi-gimmick pa sa oras na iyon. Biyernes nang araw na iyon. Nagkataon pang petsa rin ng kinsenas nilang suweldo. Walang pasok tuwing Sabado at Linggo ang mga quality inspector na gaya ni Gudo.
Sa labas ay agad pumara ng jeep si Gudo. Gusto niyang magpahinga oras na makauwi siya sa kanyang inuupahang bahay.
Napasandal si Gudo habang nakaupo sa loob ng jeep. Gusto niyang ipikit saglit ang napagod niyang mga mata. Kanina, medyo sumakit ang mga mata niya habang nag-iinspeksyon dahil may mga nakasabay siyang nagwewelding. Hirap namang magsuot ng sunglasses sa loob ng gusali si Gudo dahil nahihirapan siyang suriing mabuti ang mga iniinspeksyon niyang kaledad ng trabaho sa ginagawang gusali ng kumpanyang kanyang pinapasukan. Tatlong taon na ang nakakaraan, nagsimula si Gudo sa kumpanya bilang isang helper. Kasunod ay naging isa naman siyang maintenance crew. Nang magustuhan ng kumpanya ang trabaho ni Gudo ay pinromote nila ito bilang isang quality inspector na siyang trabaho nito hanggang ngayon.
Papikit-pikit si Gudo habang bumibiyahe ang jeep. Bahagyan dumidilat ang kanyang mata sa tuwing mag-aabot siya ng bayad ng ibang pasahero sa drayber.
Medyo traffic ang kalsada sa oras na iyon dahil rush hour. Muling ipinikit ni Gudo ang mga mata. Nakakadagdag nang antok sa kanya ang mahinang pag-uga ng sasakyan mula sa makina nito. Para siyang ipnaghehele nito.
Biglang napadilat si Gudo sa biglang pagkadyot ng sasakyan mula sa bagitong drayber nito na hindi gamay ang lumang jeep na pinapasada nito. Kasunod niyon ay muling umandar ang sasakyan.
Dumako ang tingin ni Gudo sa labas. Sa sandaling iyon ay nasa isang kalsada sila na may maraming taong naglalakad sa bangketa nito. May mga nagtitinda rin ng kung anu-ano sa lugar na iyon. Sanay na siya sa ganoong tanawin na araw-araw niyang nakikita. Muling bumalik ang tingin ni Gudo sa loob ng jeep. Subalit natigilan siya. Muling siyang tumingin sa labas at nakita sa mga taong naroon ang isang naglalakad na babae. Nawala ang antok ni Gudo. Nanlaki ang mata niya at hindi makapaniwala sa kung sino ang babaeng iyon. Si Beth.
Habang unti-unting bumibilis ang takbo ng jeep ay nakita ni Gudo na naglakad si Beth papasok sa isang eskinita.
"Para! Para!"sigaw ni Gudo sa drayber.
"Ano ka ba naman, Brad, kung kelan tayo makakausad sa trapik tsaka ka naman papara eh kanina pa tayo rito."
Hindi na naghintay si Gudo na ihinto ng drayber ang sasakyan. Bumaba siya at maingat na tumalon . Agad siyang tumabi sa bangketa mula sa mga parating na sasakyan na panay ang busina sa kanya. Tumakbo si Gudo at sinundan si Beth. Hindi mailalarawan ang saya sa kanyang mukha habang iniiwasan ang mga taong nakakasalubong niya.
Nang marating ni Gudo ang eskinita, nakita niya si Beth na pumasok sa isang bahay.
Galing si Beth sa isang puwesto niya sa palengke. Sa pagdating niya sa Maynila tatlong taon na ang nakakaraan ay ginamit niya ang perang dala niya bilang puhunan sa itinayo niyang bigasan sa palengke. Napalago niya ang kaniyang bigasan at mas lumaki pa ito sa paglipas ng taon. Ngayon, may mga tauhan na siya sa kanyang puwesto at direkta na siyang umaangkat ng bigas sa Nueva Ecija. Marami siyang suki sa kanyang negosyo dahil bukod sa maganda ang kaledad ng mga bigas niya ay mas mura ito. Ang tindahan ni Beth ang kilala sa kanilang palengke pagdating sa bigas.
Pagkapasok ni Beth sa loob ng kanyang bahay ay agad niyang kinuha ang isang malusog na batang lalake na karga nang tumitingin ditong yaya.
"Baby, na-miss ka ni Mommy. Kamusta ang baby ko?"masayang wika ni Beth habang panay halik siya sa pisngi ng anak niyang lalake.
Sa edad na mahigit dalawang taon ng kanyang nag-iisang anak, mabait ito at hindi gaanong malikot. Tahimik lang ito at masayang nilalaro ang mga laruan nito sa loob ng kanyang kuna kung kaya't walang naumang problema ang yayang titingin dito habang naghahanap-buhay sa kanyang bigasan si Beth.
"O sige, ako nang bahala dito kay baby."ani Beth sa yaya ng kanyang anak.
"Sige po, Ate. Tuloy na po ako."paalam ng yaya at lumabas na ito ng bahay.
Sila lang ni Beth at ang kanyang anak ang nakatira sa bahay na iyon. Hindi na kumuha si Beth ng stay-in na kasambahay o yaya. Masaya siya sa pag-aalaga niya sa anak sa tuwing uuwi siya mula sa bigasan. Gaya nang lahat ng mga nanay, Mahal na mahal ni Beth ang anak. Ito ang pinakamahalaga sa kanya. Ibinalik ni Beth ang bata sa maluwag nitong crib. Doon ay gumapang ang bata at naglaro ng mga laruan niyang naroon.
Nabigla si Beth nang may kumatok. Naisip niyang bumalik muli ang yaya ng kanyang anak. Pinagbuksan niya ito ng pinto. Sa halip na ang yaya ang makita ni Beth ay nabigla siya sa lalakeng kaharap niya. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita.
"G-Gudo?"magkahalong saya at pagkagulat na wika ni Beth.
"Beth…"ani Gudo na masayang makita muli ang babaeng matagal niyang hinanap.
Nagyakap silang dalawa. Ramdam mula sa yakap nila ang pananabik nila sa isa't-isa.
Nabasa ng luha ni Beth ang t-shirt ng lalake.
"Akala ko hindi na kita makikita, Gudo."iyak ng babae.
"Ako rin. Matagal kitang hinanap, Beth. Kaytagal kitang hinanap."
Pumasok si Gudo sa loob. Nang maisara niya ang pinto ay agad siyang sinalubong nang halik ni Beth. Muling naglapat ang kanilang labi.
"Lagi kitang iniisip, Gudo. Miss na miss kita."ani Beth at muling silang naghalikan ng lalake.
Natigilan silang dalawa nang humagikgik ang batang nasa loob ng kuna. Natutuwa ito sa nakikita niya kina Gudo at Beth.
M-May anak ka?"ani Gudo.
"Oo. Siya ang dahilan kaya ako umalis sa bayan natin. Para hindi siya madamay sa gulo. Inilayo ko siya dahil wala siyang kinalaman sa kasalanan ng kanyang ina."
Lumapit si Gudo sa bata. Nang makita niya ito nang mabuti ay may kakaiba siyang naramdaman. Hindi maipaliwanag na saya ang biglang naramdaman ni Gudo habang pinagmamasdan ang bata.
"Anong pangalan ng bata?"
"Isinunod ko sa pangalan ng kaniyang ama… Godfrey."
Nabigla si Gudo na ang tunay na pangalan ay Godofredo mula sa narinig niya kay Beth.
"Ibig mong sabihin…"
Tumango sa lalake si Beth. Ngumiti ang babae mula sa nakikita niyang masayang reaksiyon ni Gudo.
Hindi na nakatiis si Gudo. Binuhat niya ang bata at agad niyakap.
"Godfrey… Godfrey, anak."
Ngumiti kay Gudo ang bata. Tumingin ito sa mga laruan niya sa loob ng crib. Naunawaan ni Gudo ang gusto ng bata. Muli niya itong inilagay sa crib at muling naglaro roon ang anak nila ni Beth.
Nalibang si Gudo sa panonood sa kanyang anak. Nang muli niyang tingnan si Beth ay makahulugan siyang tiningnan nito at ngumiti. Pumasok sa kuwarto si Beth at muli siyang tumingin kay Gudo. Habang nakatitig siya sa lalake ay hinubad niya ang kaniyang pang-itaas. Tumabad kay Gudo ang malulusog nitong suso sa suot nitong bra.
Hindi na kailangan pang turuan si Gudo. Sumunod siya sa loob ng kuwarto kung saan ay naghihintay sa kanya si Beth.
THE END
maganda ang story kahit nakakalibog ahaha..
TumugonBurahin